Tuesday, March 25, 2008

Untitled

Minsan pala kailangan rin ang lakas ng loob para aminin sa sarili na mahina ka. At higit pa sa lakas ng loob ang kailangan para amining naging mayabang at pabaya ka.

Noong araw na ‘yon lumabas ang resulta ng board exams. Friday. June 24, 2005. Manila Bulletin. 12,843 out of 26,000 pass Licensure Exam for Nurses. Complete list starts on page B-14. Pero wala ang pangalan ko sa listahang ‘yon. Sa isang iglap huminto ang mundo, nawalan ako ng pangarap… nawala lahat.

Matagal din bago ako lumabas ng kwarto. Basag ang boses, nanginginig ang bawat salita habang sinasabi ko sa kanila ang balita. Kitang kita ko ang dismaya sa mga mata nila. Walang nagsasalita. Nakakabingi. Pero alam ko rin na alam ng magulang ko na kung may higit na madidismaya, ako ‘yun. Tinanong nila ako kung ano ang nangyari ngunit hindi na humingi pa ng anong paliwanag. Kahit ako ay hindi ko masagot sa sarili ko kung ano nga ba talaga ang nangyari at naging ganon ang resulta.

Hindi ako umiyak, o nagwala, o sinuntok ang pader, o naisip magpakamatay. Hindi ko rin tinanong ang Diyos kung bakit kailangang mangyari sakin ito. Kalmado pa nga ako. Isa lang ang naisip ko gawin, matulog. Baka sakaling panaginip lang ang lahat at hindi pa lumalabas ang resulta. Pero wala pang ilang minuto ay tumunog ang celfone ko. Kaibigan ko. Nangungumusta kung ok lang ba ako. Saka ko naisip na lumabas na nga pala ang result. Bagsak nga pala ako. Parang apoy na kumalat ang balita. Alam na rin siguro ng mga kabatch ko, ng mga clinical instructors sa school at ng iba pang nakakakilala sa akin. Lahat siguro sila ay nagtataka kung bakit ako, na isang “good” student, aktibo sa lahat ng gawain sa school ay babagsak.

Naisip ko ang mga pwede kong isagot sa mga tanong nila. “Nag crack kasi ako sa pressure dude...”, “nagkasabay sabay kasi problema ko bro…”, “di nga ako gumigimik eh…”, “di talaga ako pang nursing pare…”. Pero ang hirap sabihing “di ko sineryoso ang review, lam ko naman papasa ako”, “nawalan lang talaga ako ng interes sa review”. Nalito. Nagsawa.Napagod.

Sa kahit ano raw problema o pagsubok, isang tao lang ang pwedeng tumulong sa iyo- ang sarili mo. Kaya heto, inaamin ko sa inyo at sa sarili ko na naging mahina ako. Naging pabaya at mayabang ako. Totoo, hindi ko na maibabalik ang nasayang na panahon pero may isang bagay ang sigurado. Ang karapatan ng bawat tao na madapa at bumangon sa buhay. Hindi ko nga naisip na makakangiti pa ako pagkatapos ng nangyari. Pero iba na ako pagkatapos ng unos. Iba na ang tingin at pananaw sa mundo. Yung iba bumuti, yung iba hindi ko sigurado…

1 comment:

Prince Golez said...

maganda ang pagkasulat.. yun na! ;)